Ka Alyong

Bayani ng Kahapon

Isang kalansay sI Ka Alyong nang natagpuan siya ng mga kasama. May isang taon na  siyang pinaghahanap, isang taon mula nang siya’y naglaho, isang taon mula nang tumakbo si Ka Nestor, ang kalihim ng komite ng Isabela, tangay tangay ang isa’t kalahating milyong piso at isang pulang mandirigma, si Ka Nida.

Nagdaos ng  pulong-plenum ang Cagayan Valley regional committee, ilang buwan bago naglaho ang tatlong kasama. Nagkataong dumating noon ang mga buwis o revolutionary taxes mula sa mga logging firms na nakabase sa loob ng rehiyon, na dahan-dahang umuubos sa mga kagubatan dito.  Sa Isabela lamang, maraming logging firms ang matatagpuan sa mga bayan tulad ng Palanan, San Mariano, San Guillermo at Jones, at may dagdag pang ilan sa Cagayan. Mga ispesyal na armadong yunit ang nakatoka at bihasa sa gawaing ito, na marikut at peligroso.

Naging trabaho ng ilang kagawad ng komite na bilangin ang mga nanlalagkit, amoy isda at anghit, at gusgusing papel na pera. Matapos ang bilangan, hinati batay sa takdang alawans ng bawat komite, binalot sa papel at plastik at tuluyang ipinamahagi. Santaong alawans ito, at malaking bahagi ay pupunta sa mga pamilya ng mga kasamang pultaym na nakatalaga sa hukbo at teritoryo. Sa aming lugar, P50 ang nakalaan sa bawat bata bawat buwan.

Hindi naman magastos ang mga pultaym kung personal na pangangailangan ang pag-uusapan. Sang bote ng multivitamins para sa isang armadong yunit bawat buwan, sanitary napkins para sa mga babae, sigarilyo sa mga pugon, dagdag na pagkain—itlog at manok—at gamot para sa mga buntis. Sabon panlaba, mga baterya, bota at tsinelas.  Tatlong buwan lang at wakwak na ang mga tsinelas na ismagel. Kahit mamahaling rubber shoes ng mga nag-eexposyur ay di nagtatagal.  Aabot siguro ang alawans sa P300 bawat buwan para sa 7-9 na tao.

Bahagi lamang ng alawans ng kanikanilang grupo ang aktwal na dala-dala ng mga kasama sa kanilang paggala sa eryang sakop. Ang malaking bahagi ay kanilang binabaon sa lupa, matapos balutin ang pera sa mga malalaking plastic bag, ilagay sa mga lata ng mantika o biskwit na selyado ng tape, at ilagay sa loob ng malalaking kahon na binabalot sa plastic. Trabaho ng mga nagbaon (kalimitan ang kalihiman ng mga komite) na tandaan kung saan nga matatagpuan ang pera.

May pumutok na isyu sa panahon ng plenum nang nakakampo ang buong komite kasama ang security unit at istap ng opisina.  May mga kasamang babae na nakakahalata ng kakaibang pakikitungo nina Ka Nida, dalaga, at Ka Nestor, may asawa, sa isa’t-isa. Aalis daw ang babae para maligo sa ilog, at matapos ang ilang minuto, di na rin makita kung nasaan ang lalaki. Matalas ang mga mata at dila ng mga babaeng matagal nang kalahok sa pakikibaka, mga amasona kuno. Hindi bago sa kanila ang ganitong mga eksena. Naganap na sa nakaraan at tiyak, mauulit sa hinaharap.

Nang marinig ang mga tsismis, galit na binulyawan ni Ka Nestor ang mga babaeng nasangkot:  MGA TSiSMOSA, at tuluyang umiyak na parang bata.  Nadisarmahan ang mga tao, naawa sa kanya, naalala ang kanyang higit sandekadang malinis na rekord, at nanahimik na lamang. Bukod don, hindi nahuli ang dalawa sa akto at tigas ang kanilang pagtanggi sa paratang.

Nabalitaan na lamang ng mga kasama, ilang buwan matapos ang plenum, na biglaang umalis si Ka Nestor at nag-iisang dumaan sa isang baryo kung saan naroroon si Ka Nida. Sabay silang naglakad papuntang hayway at sumakay ng bus na pa-Maynila.  Ah, tama pala ang tsismis, sabi ng marami. Nagtaka ang mga kasama dahil wala ding nakakita kay Ka Alyong na buddy at security officer ni Ka Nestor, kaya palaging kasama araw at gabi..  Di kalaunan, dumating ang balita. Kinakabahan, pinuntahan ng ilang kasama ang pinagbaunan ng pera, pero wala na ito. Naglaho tulad ng tatlo.

Natagpuan si Ka Alyong, matapos isang taon. Nakahiga pa sa kanyang stretcher. Buto’t balat na lamang.  Binaril siyang patraydor, habang mahimbing na natutulog. Batang bata nang sumampa sa hukbo ang kasama, anak ng mga magsasaka, at kilala sa pagiging matapang, matapat at matatag. Kaya nga siya na-asayn sa mismong kalihim ng probinsya. Taon din silang nagkasama, kaya alam ni Nestor ang kalibre ng kanyang “buddy.” At alam ng mga kasama, hinding hindi niya papayagang umalis, kahit si Ka Nestor, na tangay ang perang nakalaan sa mga pamilya ng mga kasama at mga kasama mismo.  Tiyak, hahadlangan niya ito, kung kaya naman siya ay binaril nang walang kalaban-laban.

Sino ang bayani sa istoryang ito?

Marahil, sasabihin ninyo, si Ka Alyong, at tunay namang walang di sasang-ayon sa nakakilala sa kanya. Biktima ng tinuring na kasama.  Mas pipiliin niya sigurong mabaril sa labanan pero ganun ang naging takbo ng kanyang buhay at sirkumstansya ng kanyang kamatayan.  

Hindi Alyong ang tunay nyang pangalan.  Wala akong hawak na letrato niya at ni hindi ko maalala ang kanyang mukha, ang hugis ng kanyang mga mata, ang kulay ng kanyang balat, at ang kanyang ngiti. Pero alam ko, habang siya ay buhay, nanatili siyang nakahanay sa panig ng mamamayan at tapat na nagsisilbi sa kanila.

Bayani din ang naiwang mga pamilya ng mga kasama, natutong mabuhay nang wala ang asawa, tatay o nanay, o kapatid.  Dumaraing sa hirap pero nagtitiis sa pag-asang may mapapalang biyaya ang kanilang mga anak kundi man sila.  Bayani ang mga kapit bahay nilang tumutulong sa kanilang mag-araro, magtanim, umani, mag-alaga ng maysakit na bata, at sumasaklolo kung may biglang pangangailangan.  Bayani ang mga naghirap bumagkat ng mga sako-sakong bigas nang di magutom ang mga nakakampo, ang mga nagmanman sa sentrong bayan upang mamonitor ang mga kilos at planong operasyong militar ng militar, at ang mga kuryer at mga giya na bumubuhay sa komunikasyon sa pagitan ng mga kasama.  At marahil, kung namatay sa operasyon ng AFP sina Nestor at Nida, pararangalan din silang mga bayani ng nagdadalamhating kapamilya, sa dugo at sa adhikain.  Kaya lang nga nadala sa tukso at nagawang talikuran ang  dating minahal na simulain at sambayanan.  

Sayang. Sayang. Sayang.

Sila sa itaas ang nakilala kong mga bayani ng aking panahon, ng ating kahapon. Sino kaya ang mga bayani ngayon?

Ka Rosario JJ
Naging organisador, propagandista, guro at mandirigma. Manunulat hanggang sa ngayon.