Sammy Gamboa

Facebook Profile Image of Sammy Gamboa

Pag-alala kay Sammy Gamboa, Secretary General, Freedom from Debt Coalition

Ang sasabihin ko ngayon ay hindi sapat para sa aking pag alala at pagparangal kay Sammy.

Apat na taon kaming naging malapit na magkatrabaho at magkasama – sa FDC. Siya ay gen sec at ako naman ang presidente. Bagamat kilala ko siya noon pa, at nagkita sa mga pulong sa kilusan sa nagdaang mga taon. 

Pero ang apat na taong yan ay mga hinog na taon niya, the matured Sammy, kung saan nahihinog ang kanyang intellect, kaalaman, personalidad at maging, ang puso niya.  Ibig sabihin, mayamang at maraming panig na pagkatao. 

Lagi ko siyang maalala sa kanyang debosyon sa pag-aaral ng karunungan ( knowledge ) bilang susi sa pagbabago ng lipunan. Kaalamang  malawak mula pilosopiya, etika, teorya, kasaysayan , estratehiya . mahilig din siya sa mga akbstraksyon – intellectual nga. Pero hinanap niya ang kaalamang ito sa aktwal na karanasan at praktika at sa hanay ng masa at mga pwersang nagtutulak ng pagbabago. 

Passionate siya, marubdob sa trabaho kaya seryoso siya sa diskurso, sa pagpaplano at aktwal na gawain. Pinakamalaking dahilan nito ay ang kanyang dedikasyon na  lampas pa sa mga adbokasya na tinaguyod niya kundi sa panlipunang pagbabago – sosyalistang lipunan. Pero pasyonaryo din siya bilang tao, isang romantiko. Wag ka, malakas din ang kanyang sense of humor at marunong pagtawanan ang sarili.

Inako niya ang pinakamabigat na trabaho sa FDC – ang pagiging gensec, sa panahong maraming problema ang koalisyon. Sinuong niya ito nang halos walang reserbasyon . Nais kong papurihan ang kanyang pamumuno sa pagtugon ng FDC sa panahon ng disaster ng Yolanda- na nakatulong sa ating mga komunidad at mga organisasyong nasa gitna ng kampanyang ito.

Totoong tao siya. Madali mong malaman ang kanyang problema, ang kanyang damdamin sa iba. Prangka pero marunong ding sumalubong sa katwiran at problema ng iba. 

Inunawa ni Sammy na ang pagiging malayang tao ay di lamang ang pagkawala sa kuko ng mga mapagsamantala.  Kasama sa pagiging malaya ang lasapin ang buong kagandahan ng buhay. Sa makakayanan, to enjoy life fully in all respects - aesthetics, culture, food, music.  and individual expression, including sexual. Malinaw naman sa kanya na ang rekisito dito ay ang paglaya sa kapitalismo at patriyarka.

Madali siyang makapalagayang loob at katuwang sa gawain. Madali siyang maging kaibigan. Salamat, Sammy sa paging kasama at kaibigan. Hindi kita malilimutan.  

Saludo sa isang bayani ng uri at ng ating bayan !

Pakikiramay po sa kanyang pamilya at sa ating mga kasama na hahanap hanapin ang kanyang presensya sa tuwina.

Ric Reyes